Dagupan City – Ibinahagi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Regional Office 1 ang mga simpleng hakbang sa pag-iwas nito.

Ayon kay Information Systems Researcher III, Michael Ian Rabara, Cybersecurity Focal ng DICT R1 – ang mga paraan ng hacking ay kadalasang nagsisimula sa pag-install ng mga keylogger o malware sa isang device.

Kung saan ang mga keylogger ay isang uri ng software na kumukuha ng lahat ng iyong pinipindot sa keyboard, at ipinapadala ito sa hacker nang hindi mo namamalayan.

--Ads--

Habang ang malware naman ay isang uri ng virus na humahantong sa pagnanakaw ng mga files hanggang sa pagbabago ng system.

Nilinaw baman ni Rabara na kapag ang isang device ay na-hack, nangangahulugan ito na na-install na ang mga nabanggit na malware.

Isa nga sa mga stratehiya ng mga hacker ay ang pagbibigay ng link o attachment na maaaring maglaman ng mga virus o malware.

Kung saan ang pangunahing target naman ng mga ito ay ang mga negosyante o mga high-profile na indibidwal, gamit ang ransomware upang mag-demand ng ransom kapalit ng pagbabalik ng mga nakopyang files.

At kung nagkataon, hindi umano maaaring ma-retrieve ang mga importanteng dokumento kung hindi bibigyan ng ransom.

Sa pagkakataong ito, mahalaga umano ang agarang hakbang na pagrereport agad sa anumang insidente ng hacking sa mga awtoridad tulad ng PNP Anti-Cybercrime Group, Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), o sa mismong social media platform tulad ng Meta kung ito ay tungkol sa pag-take over ng iyong account.