DAGUPAN CITY- Inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Labor Advisory No. 01 Series of 2025, na nagdedeklara bukas, Enero 29, bilang Special Non-Working Holiday bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Chinese New Year ng mga Tsino sa Pilipinas na nakabatay ito sa Proclamation No. 727, Series of 2024.
Ayon kay Rhodora Dingle ang Officer in Charge ng DOLE Central Pangasinan, kapag pumasok bukas ang isang empleyado ay makakatanggap ng karagdagang 30% sa kanyang arawang sahod kaya magiging 130%.
Aniya na madadagdagan lamang ng 30% ang sahod ng empleyado kung pumasok ito ngunit kapag pinapasok naman ang empleyado kahit rest day nito ay babayaran ito ng 150% sa araw na iyon dahil may probisyon ang batas ukol dito.
Dagdag pa nito na yearly ang pagpapatupad nito na may kalakip na utos ng Pangulo upang masunod ang patakaran sa pagbabayad ng tama sa mga empleyado.
Samantala, inihayag din ni Dingle na ang susunod na Special Non-Working Holiday ay ang EDSA People Power Revolution Anniversary sa Pebrero 25.