Binigyang diin ng isang mambabatas na dapat ng umpisahan ang dredging operation sa bunganga ng Limahong river channel sa bayan ng Lingayen.
Ayon kay Pangasinan Rep. Mark Cojuangco, napapanahon na para magsagawa ng pagtatanggal ng buhangin o materials sa bukana ng ilog at dagat matapos na masira ang slope protection o dike sa bahagi ng Limahong Tourism Center.
Aniya, may P300 million na pondo ang national government para isagawa ang dredging ngunit hindi ito nabigyan ng go signal ng LGU Lingayen.
Dagdag pa nito, kung ang national government ang magde-dredge, magagamit na panambak ito sa likod na bahagi na pag aari ng munisipyo at ng probinsya.
Magiging daan din ang na dredge na buhangin para ma-nourish o maibalik sa ayos ang dalampasigan.
Isa sa magiging tulong nito ang pagtambak sa mga lugar na kinain na ng dagat lalo na sa barangay Sabangan, Binmaley kung saan malapit nang pumasok ang dagat at malunod ang mga bahay.
Matatandaan na nagsagawa ng public scoping kaugnay sa dredging operation sa Limahong Channel kung saan isang private company na Seagate Engineering and Buildsystems ang nais na isagawa ang dredging ngunit tinututulan ng ilang residente.
Samantala, sumulat na rin ang LGU Lingayen para sa pagsasagawa o pagrepair ng nasirang bahagi ng dike sa DPWH.