DAGUPAN CITY- Kahilingan ng sektor ng transportasyon ang P15 fare hike dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Liberty De Luna, National President ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), ito ay ang probisyon ng kanilang P5 fare increase noong huling Oktubre at sa ngayon ay sumasailalim pa sa pag-review ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang bagong pagtaas sa pamasahe.

Aniya, umaasa silang mabibigyan ito ng pagdinig pagkatapos ng pag-review ng LTFRB. Kung naging maganda ang daloy nito, malaki ang tsansang makamit nila ang kanilang kahilingan.

--Ads--

Wala na rin kinikita ang mga operators dahil sa pagtaas at pagbaba ng petrolyo kaya nais nilang itaas ng P2 ang minimum fare sa mga pampasaherong jeepney.

Napapanahon na rin umano itong ipatupad dahil makakatulong ito sa kanila upang kahit papaano ay maka-survive sa lalong pagtaas ng iba pang bilihin.

Ayon kay De Luna, kabilang na rin ang ALTODAP, PASANG MASDA, LTOP, at iba pang organisasyon ang sumusuporta sa pagtaas ng pamasahe.

Samantala, giit naman niya na malaking tulong sa mga korporasyon at kooperatiba ang pagsali sa ‘service contracting’ lalo na kung magkaroon na ng pagtaas sa pamasahe.

Kaugnay nito, natigil lamang ito dahil sa kakulangan ng budget subalit, tiyak na kabilang sa programang ito ang mga consolidated.