Sinampahan ng administrative at criminal case ni Urdaneta City Mayor Julio ‘Rammy’ Parayno III sa Office of the Ombudsman si Pangasinan Governor Ramon V. Guico III.
Ang kaso na kinakaharap ni Guico ay nag-ugat sa naging pag-aksyon nito sa idinulog na reklamo kay Parayno sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) na may kinalaman sa ipinasara ng alkalde na poultry farm sa Barangay Tiposu, Urdaneta City noong 2020.
Si Gov. Guico ay nahaharap sa Grave Misconduct, Grave Abuse of Authority, Oppression, Gross Neglect of Duty, Dereliction of Duty, Acts Unbecoming of a Civil Service Employee, at paglabag sa Republic Act No. 6713 para sa kasong administratibo habang sa criminal case ay Usurpation of Authority or Official Functions, Open Disobedience, Disobeying Request for Disqualification, and RA 3019 Sections 3.
Naghain din ng hiwalay na kaso si Mayor Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno sa Commission on Elections laban kay DILG Provincial Director Virgilio Sison kaugnay sa pagpapa-receive nito ng Suspension Order sa mga complainant mula sa Office of the President.
Ang suspension order ng dalawang opisyal ay may kinalaman sa isinampang administrative case sa Office of the President ni dating Liga ng mga Barangay President Michael Brian Perez noong June 2022 matapos siyang tanggalin bilang Liga President ng kanyang mga kapwa barangay captains sa Urdaneta.