Mga Ka-bombo, sabi nila, ang buhay ay hindi karera, may mga bagay na kailangang gawin upang maging maayos ang lahat.

Ngunit, paano na lamang kung isang araw ay bigla ka na lamang ideklarang wala nang buhay kahit ikaw naman ay nasa maayos na kalagayan?

Isang pambihirang pangyayari kasi ang naganap kay Nicole Paulino mula Gaithersburg, Maryland, nang siya ay magbigay ng application upang i-renew ang kanyang driver’s license.

--Ads--

Dito niya nadiskubre niyang nakalagay sa sistema ng Maryland Motor Vehicle Administration na siya ay “deceased.”

Ayon kay Paulino, siya ay natakot at naguluhan nang matanggap ang text na nagsasabing siya ay wala na.

Sinabihan siya ng mga opisyal na hindi siya makakapag-renew ng kanyang lisensya at nakatanggap pa ng liham mula sa Internal Revenue Service (IRS) na nagsasaad na siya ay isang “deceased taxpayer.”

Dahil dito, na-cancel ang health insurance ng Paulino at ng kanyang tatlong anak, kaya’t nahirapan siyang makakuha ng gamot para sa kanyang asthma.

Matapos ang ilang araw, nakatanggap si Paulino ng liham mula sa Social Security Administration na nagsasaad na ang pagkakamali ay naitama at siya ay buhay na muli.