Dagupan City – Nagpapatuloy ang ginagawang pag-abot ng tulong ng Philippine Consulate sa mga nasalanta ng Wildfire sa California.
Ito ang ibinahagi ni Maricel Vest, Bombo International News Correspondent sa USA sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan. Kung saan, kabilang sa mga tulong na ibinibigay ay ang grant at relief assistance para sa mga nasunugan, kasama ang federal assistance for housing na aabot hanggang $43,000.
Inanunsyo ito matapos umano buksan ng Federal Emergency Management Agency (FEMA) ang assistance para sa lahat, nangangahulugan na hindi lamang para sa mga American national kundi maging ang iba pang mga lahi tulad ng mga Filipino.
Hinggil naman sa mga apektadong undocumented Filipino, sinabi ni Vest na hindi sila hahayaan ng embahada.
Sa kabila nito, hindi naman mawawala aniya ang mga mapagsamantalang mga kawatan kung saan ay may mga nagpapanggap pang mga bumbero para lamang makatangay ng anumang kagamitan na maaaring mabenta at mapakinabangan.
Sa kasalukuyan, nasa ilalim pa rin ng imbestigasyon ang nangyayaring sunog, ngunit isa nga sa mga tinitingnang pinagmulan nito ay ang isang Southern California electric company.
Habang patuloy naman ang ginagawang pagbabantay ng mga otoridad sa California sa mga residenteng bumabalik sa kanilang mga tahanan at magsalba ng natitirang kagamitan.