Dagupan City – Siniguro ng Alliance of United Transport Organization Provincewide (AUTOPRO-Pangasinan) na hindi nila ipapasa sa mga mananakay ang magkakasunod na taas presyo ng petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bernard Tuliao, Presidente ng AUTOPro Pangasinan, kahit pa kasi aniya muling nagkaroon ng panibagong pagtaas ng presyo ng langis ay nananatili pa rin ang kita ng mga operators.

Kung magkakaroon kasi aniya ng taas singil sa pamasahe, lubhang apektado ang mga mananakay. Kung kaya’t hangga’t mayroon at “tolerable” pa rin ang kita ng mga operators, hindi aniya nila nais na itaas ang pamasahe.

--Ads--

Sa kabila ng naging pagtaas ngayon sa presyo ng produktong petrolyo, inaasahan pa rin aniya ang mangyayaring oil price hike sa susunod na linggo dahil na rin sa inaasahang pagtaas ng demand dahil sa economic stimulus sa ibang bansa.

Kaugnay nito, patuloy naman ang panawagan niya sa mga Pangasinan transport na magsumite na ng mga dokumentong kinakailangan para maiproseso na ang ayudang nakalaan sa kanila .

Samantala, nakatakda namang maglabas ng Class 1 Vehicle ang ilang operators sa Downtown, bayan ng Calasiao at Bonuan sa first quarter ng taon.

Sa kabilang banda, hindi naman nakikitaan ang pag-withdraw ni dating Ilocos Sur Governor Chavit ng kaniyang kandidatura sa pagka-senador bilang hadlang sa kanilang sektor dahil bago pa man aniya maghain ito ay tuloy-tuloy na ang kaniyang pagbibigay ng suporta sa sektor.