DAGUPAN CITY- Hindi sinang-ayunan ni Bardford Adkins, Bombo International News Correspondent sa United States of America, ang mga lumalabas na teorya kaugnay sa pagsiklab ng wildfire sa California.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sakaniya, pinaniniwalaan umano ng mga apektadong celebrities na maaaring ‘arson’ ang ugat ng wildfire.
Aniya, ang reklamo ng mga kilalang tao ay may kaugnayan sa politika dahil sa hindi nila binoto si US-President Elect Donald Trump noong nakaraang Presidential Election.
Giit ni Adkins, maaaring dulot talaga ng kalikasan ang wildfire at malayong may kinalaman ang politika.
Malaki rin talaga ang pagkakataon na lumawak pa ang wildfire dahil dikit-dikit ang mga bahay sa Pacific Palisades.
Samantala, kinabiliban naman niya ang disaster preparedness management ng mga otoridad sa California.
Ginagamit kase ang teknolohiya upang magbigay aksyon sa sakuna, kabilang na ang pagpapadala ng message alerts sa mga malapit sa wildfire.
Pagbabahagi pa niya na nasubukan niyang makatanggap nito habang nasa trapiko.
Gayunpaman, ikinalulungkot niya lamang na wala pang nakikitang katapusan ang sakunang nararanasan at maaari pa itong lumawak pa dahil sa banta ng paglakas ng hangin.