Dagupan City – Naaresto ang isang 45-taong-gulang na lalaki sa bayan ng Asingan matapos siyang mahulihan ng isang .38 caliber revolver na walang serial number at may tatlong bala.
Nangyari ito ilang araw bago ang pagpapatupad ng COMELEC gun ban, matapos siyang mag-amok at magpaputok ng baril.
Ayon sa ulat ng pulisya, alas onse ng gabi nang makatanggap sila ng tawag tungkol sa isang lalaking nagwawala sa harap ng kanyang bahay.
Sa imbestigasyon, nalaman na ang suspek ay may problema sa pamilya at dahil sa kalasingan, nawalan siya ng kontrol sa sarili at nag-amok.
Dahil sa insidenteng ito, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Samantala, ipatutupad na ang COMELEC gun ban sa buong bansa sa Enero 12 upang matiyak ang kaayusan sa nalalapit na 2025 National and Local Elections.
Pinaalalahanan ng COMELEC na kahit may permit sa baril, hindi ito pinapayagan kung walang “Certificate of Authority” mula sa COMELEC.
May ilang eksepsiyon, ngunit kinakailangan pa rin ng pahintulot mula sa COMELEC.
Magsasagawa rin ng malawakang checkpoints ang mga awtoridad upang matiyak ang pagsunod sa gun ban.