DAGUPAN CITY- Kinokondena ng Animal Kingdom Foundation ang kamakailang nagviral sa social media na pagkaladkad ng isang tricycle driver sa isang pusa sa Malasiqui, Pangasinan habang nakatali ito sa kaniyang tricycle.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Heidi Caguioa, President & Program Director ng nasabing grupo, kinlaro man ng nasabing driver na hindi nito alam na nakatali ang pusa at nakakaladkad na subalit, malinaw na ipinahayag nito na ililigaw niya ito.
Subalit, hindi aniya nila pinapaniwalaang hindi nito alam na nakatali ang pusa, bagkus, ang driver mismo ang nagtali nito.
Saad ni Caguioa, hindi ito katanggap-tanggap dahil ang isang pusa ay katulad lamang ng isang tao na nasasaktan din.
Nagpapasalamat naman sya sa mga barangay kagawad sa pagdala sa pusa sa veterinarian at sa ngayon ay nasa maayos na ito na kalagayan.
Gayunpaman, wala naman umanong natamong malalang sugat ang pusa at posibleng indikasyon ito na hindi pa malayo nang kinaladkad ito.
At sa kasalukuyan, nakahanap na rin ng mag-aampon sa pusa.
Ayon umano sa barangay kagawad na isa itong stray cat o pusang kalye at nakalmot nito ang apo ng driver kaya kaniyang ikinagalit.
Hindi naman tiyak kung ipagpapatuloy ang pagkaso laban sa driver subalit, para kay Caguioa ay malinaw ito na isang kaso ng Animal Cruelty at paglabag sa Animal Welfare Act Law.
Kung ikinasawi ng pusa, maaari aniya itong makulong ng 2 taon at magpyansa ng P100,000. At dahil hindi naman nasawi, aabot lamang sa 1 taon at 6 buwan na pagkakakulong at P50,000 na pyansa.