Dagupan City – Pinagkalooban ng P10,000 cash incentive ang 24 barangay sa bayan ng Manaoag bilang pagkilala sa kanilang matagumpay na kampanya laban sa iligal na droga.

Ang pagkilala ay ipinagkaloob ng alkalde ng Lokal na Pamahalaan ng Manaoag.

Ipinahayag nito ang kanyang pasasalamat at pagpapahalaga sa dedikasyon at pagsisikap ng mga barangay officials at residente sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa kanilang mga komunidad.

--Ads--

Aniya, ang tagumpay na ito ay bunga ng sama-samang pagkilos at pakikiisa ng bawat isa.

Idinagdag pa niya na ang paglaban sa iligal na droga ay isang patuloy na laban, at nanawagan siya sa lahat na manatiling alerto at aktibong makilahok sa mga programa ng pamahalaan upang mapanatili ang tagumpay na ito.

Ang patuloy na pakikipagtulungan ng mga barangay ay magiging susi sa pagkamit ng isang mas ligtas at mapayapang Manaoag para sa lahat.

Magsisilbi itong dagdag na pondo para sa mga proyektong pang-komunidad na makakatulong sa pagpapatuloy ng kanilang kampanya laban sa droga. (Oliver Dacumos)