Nabigyan ng libreng training program ang ilang residente ng Manaoag mula sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Isa itong hakbang tungo sa pag-unlad ng ekonomiya ng Manaoag sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Jeremy “Doc Ming” B. Rosario.
Bahagi ito sa pakikipagtulungan ng TESDA, ABONO Partylist, at Welcare Institute of Science and Technology,
Nag-aalok ang nasabing program ng mga kurso sa Electronic Products Assembly and Servicing NC II, Food and Beverage Services (FBS), at Cookery.
Layunin nitong mapaunlad ang mga kasanayan ng mga kalahok at magbukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho, kapwa lokal man o sa ibang bansa.
Ayon kay Mayor Rosario, ang pagbibigay ng libreng TESDA training ay isa sa mga pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon.
Naniniwala siya na sa pamamagitan ng pagpapahusay ng kasanayan ng mga mamamayan, mas mapapabuti ang kanilang kalidad ng buhay at mapapabilis ang pag-unlad ng bayan.
Malugod na tinanggap ng mga residente ang nasabing programa kung saan marami sa kanila ang nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa lokal na pamahalaan at sa mga kasosyo nito sa pagbibigay ng pagkakataong ito.