Dagupan City – Kailangang siguraduhing tama at hindi kulang ang ipinapakitang ebidensya sa korte ng Department of Justice upang hindi i-dismiss ang kaso.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst, hindi kasi basta-basta ang mga kasong haharapin ni dating pangulong Rodrigo Duterte kung kaya’t kinakailangan ng mabusisi at malalimang proseso.

Hinggil kasi sa mga napapanood aniya sa kongreso, akala ng nakararami ay sapat na ito para sa paglilitis ngunit ipinaliwanag ni Yusingco na dapat ay intindihin ng publiko na kulang na kulang pa ito pagdating sa korte suprema dahil mataas ang standard of evidence nito.

--Ads--

Matatandaan na bumuo si Justice Sec. Jesus Crispin Remulla ng special task force na siyang mag iimbestiga sa mga umano’y extrajudicial killings sa ipinatupad na drug war ng nakaraang administrasyon.

Kung saan ay agad na nakitaan ito bilang isang malaking tulong para malinawan ang mga kasong nabubuksan o naisisiwalat sa Quad Comm.

Dahil dito, na identify na kung sino ang mga maaaring testigo kaya ang ginagawa na lamang ng DOJ ay sinisigurong magiging maayos ang resulta at mameet ang standard of evidence sa korte.