DAGUPAN CITY- Iba umano sa pakiramdan ang Pasko sa bansang Finland kung saan hindi ganoon kasigla ang mga tao roon buhat ng mga suliraning kailangang harapin ng bansa.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mhaye Blacer Fajanela, Bombo International News Correpondent sa bansang Finland, nakakagulat dahil hindi gaanong karaming tao ang nagpupunta sa mga pamilihan kumpara sa mga nakaraang taon.
Sa kaniyang pagtatanong-tanong sa mga taong naroroon, nahihirapan ang mga mamamayan ng Finland na magselebra ng pasko dahil sa lumalalang inflation.
Aniya, wala pang nararamdamang pagbagsak ng snow dahil sa nangyayaring global warming.
Hindi rin ganoon kasigla ang mga tao roon kumpara sa mga nagdaang Pasko, kung saan aniya ay isang kataka-takang pangyayari.
Kakaunti rin ang mga Christmas shoppers na pumupunta sa mga pamilihan upang bumili ng mga kakailanganing gamit, pangregalo at iba pa.
Sa kabila ng ganitong sitwasyon ay bukas pa rin ang Christmas shopping square sa bansa para sa mga taong gustong mamili.