Dagupan City – Nananawagan ang Bureau of Fire Protection Pangasinan sa mga indibidwal o pamilyang magbabakasyon na iiwan ang kanilang mga tahanan ngayong kapaskuhan para makaiwas sa sunog.

Ayon kay Fire Senior Superintendent Jerlin Jerden S. Sales ang Provincial Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection Pangasinan Provincial Office na kapag mahaba ang bakasyon ay dapat aniyang siguraduhin na walang naiiwang nakasaksak na mga electrical appliances sa tahanan gaya ng electric fan, water heater, aircon, electrical filters at maging mga ilaw o bulb.

Aniya na ugaliing icheck para maunplug o tanggalin bago umalis dahil kung magkaroon ng overheat o overload ay pagsisimulan ito ng sunog.

--Ads--

Bukod dito, may pagkakataon din aniya na pati ang cctv sa bahay na iniiwang nakabukas o mga heavy loaded na gamit sa bahay ay sanhi din ng sunog lalo na kung tuloy-tuloy na nagagamit at walang nakabantay.

Binigyang diin din nito na kahit mga alagang hayop na naiiwan sa bahay ay maari ding maging sanhi ng sunog lalo na kung may makagat na wire na nakasaksak at hindi din aniya kailangan na nakasaksak ang mga Christmas lights kung walang tao sa tahanan.

Sa kabilang banda, sa mga maiiwan naman sa tahanan ay limitahan na lamang ang paggamit ng mga appliances gaya ng aircon o heater para hindi mag-overheat.

Samantala, dahil sa kaliwat-kanang mga handaan hindi din maiiwasan ang tuloy-tuloy na pagluluto ngunit tutukan din ang mga LPG na dapat isarado pagkatapos gamitin maging ang mga hose nito na matatalasikan ng sauce dahil kapag naiwan itong may dumi ay may pagkakataon na ngat-ngatin ng daga na magsasanhi na gas leak nito. (Oliver Dacumos)