Lumitaw sa 2023 Annual Audit Report ng Commission on Audit (COA) para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang P783,529,617.36 na advance payments sa mga kontratista na hindi pa nababawi hanggang nitong huling bahagi ng taon.
Ang mga pondo ay para sa 353 proyekto ng imprastraktura na natapos, terminated, o naghihintay ng terminasyon ng kontrata.
Binalaan ng COA na ito ay lumalabag sa Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA No. 9184 at nagdudulot ng panganib na malaki ang mawawala sa pondo ng gobyerno.
Kabilang sa mga pangunahing natuklasan ng COA ang mga sumusunod:
P 388 milyon para sa 253 natapos na proyekto.
P 351.7 milyon para sa 94 na terminadong proyekto.
P 43.7 milyon para sa anim na proyektong naghihintay ng terminasyon.
Ang mga hindi nabawing advance payments ay sumasalamin sa kabiguang bawasan ang mga bayad na nag-uutos ng 15% na reduction mula sa periodic progress payments ng mga kontratista hanggang sa ganap na mabayaran ang advances.
Kabilang naman sa mga isyung nakapaloob sa findings ang kabiguan na i-forfeit ang advance payment bonds sa oras ng terminasyon ng kontrata.
Ganun din ang kakulangan sa monitoring at tamang pagbawas mula sa mga billing ng kontratista.
Hindi rin kumpleto ang accounting records at mga pagkaantala sa pagproseso ng mga claim ng kontratista.
Maging ang hindi nababawi na advances ay nagdudulot ng malaking halaga ng pondo ng publiko na hindi magagamit ng gobyerno para sa iba pang mahahalagang proyekto.
Kaya naman iminungkahi ng COA na hilingin ang agarang pagbabayad mula sa mga kontratista o i-forfeit ang kanilang mga nai-post na bonds.
Dapat ding simulan ang legal na aksyon laban sa mga tumatangging ibalik ang advances.
Mahigpit umanong ipatupad ang pagsunod sa IRR ng RA No. 9184 at mga patakaran ng DPWH sa pagbawi ng advance payments.
Gayundin ang pagbutihin ang monitoring mechanisms upang matiyak ang napapanahong pagbawas ng advances mula sa progress billings.
Dapat anilang ipatupad ang mga probisyon ng kontrata na nagpapahintulot sa pagbawas ng advances mula sa mga claim sa iba pang kasalukuyang proyekto na may parehong kontratista.
Kailangang ipataw ang mga administrative sanctions laban sa mga tauhan na nabigo sa pagsunod sa mga proseso ng pagbawi.
Samantala, iniulat naman ng pamunuan ng DPWH ang patuloy na pagsisikap na tugunan ang isyu, kabilang ang pag-isyu ng mga demand letters sa mga kontratista, pakikipagtulungan sa mga regional offices upang ipatupad ang koleksyon, at pagsasagawa ng mga legal na remedyo.
Sa kabila ng mga hakbang na ito, binigyang-diin ng COA ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagsunod at karagdagang mga remedial na aksyon upang maiwasan ang karagdagang paglobo ng hindi nababawi na advances.
(data source from COA 2023 Annual Audit Report for DPWH)