Nagkasalpukan ang dalawang motorsiklo habang magkasunod na binabaybay ang kakalsadahan sa bayan ng San Fabian.
Ayon sa pulisya, agad na tumugon ang mga tauhan ng San Fabian Police Station sa ulat ng insidenteng kinasasangkutan ng dalawang sasakyan.
Batay sa ulat, ang unang sasakyan ay minamaneho ng 42-anyos na residente ng Barangay Anonang, habang ang ikalawang sasakyan naman ay minamaneho ng 19-anyos na estudyante mula sa Barangay Angio, San Fabian.
Sa tala ng imbestigasyon na isinagawa ng kapulisan, napag-alaman na parehong binabaybay ng mga sasakyan ang National Highway mula hilaga patungong timog.
Kung saan nauna nang nagbigay ng signal ang unang sasakyan (V1) upang mag-right turn. Ngunit habang ginagawa ito, nabangga siya mula sa likuran ng kasunod na sasakyan (V2).
Dahil sa banggaan, nagtamo ng mga sugat ang driver ng sumusunod na sasakyan sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Agad naman itong isinugod sa R1 Medical Center sa Bonuan Binloc para sa agarang atensiyong medikal, at kalaunan ay inilipat din siya sa Medical Centrum ng lungsod para sa karagdagang paggamot.
Samantala, ang mga sasakyang sangkot sa aksidente ay nagkaroon ng mga pinsala, ngunit ang halaga nito ay hindi pa matukoy.
Sa kasalukuyan ay dinala sa San Fabian Police Station ang mga nasabing sasakyan para sa tamang disposisyon.