DAGUPAN CITY- In-demand ang mga jeepney ngayon lalo na at malapit na ang araw ng pasko at abala na ang karamihan sa pamimili ng regalo.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Liberty de Luna, ang National President ng grupong Acto, malakas ang kita ng mga jeepney drivers nitong mga nakaraan dahil sa demand ng transportasyon.
Aniya, nagsimula ang pangyayaring ito November 15 pa lamang ay ramdam na ng mga jeepney driver ang pagtaas ng demand ng transportasyon hanggang sa kasalukuyan.
Mabigat din umano ang daloy ng trapiko nitong mga nakaraan at inaasahang mas bibigat pa ito sa mga susunod na araw bunsod ng mga pagdagsa ng mga pasahero.
Panawagan nito sa mga namamahala na sana ay madagdagan ng kahit piso ang pamasahe dahil sa taas-babang presyo ng petrolyo at pagtaas ng mga bilihin.
Aniya, dahil sa taas ng bilihin ay kailangan na rin umanong taasan pa ang pamasahe upang makasabay ang mga driver sa panahon.
Malaking tulong din umano ang mga makabagong pamamaraan sa pagsakay ngunit nakakabawas ito ng kita sa mga tsuper ng dyip.
Ngunit aminado din ito na hindi lahat ng mga pasahero ay kayang ihatid ng dyip.