BOMBO DAGUPAN – Umabot sa 36 na pamilya ang naapektuhan ng sunog na sumiklab kahapon sa Barangay Poblacion, Estrada St., Urdaneta City.
Ayon kay SFO1 Ruel P. Garcia, Officer in Charge for Operation ng Bureau of Fire Protection (BFP) Urdaneta City, nagsimula ang sunog alas-4:20 ng hapon at naapula bandang alas-6:30 ng gabi.
Aniya, nahirapan ang kanilang grupo sa pag-apula dahil sa liblib at makipot na daanang papasok sa lugar, at sinabayan pa ng pagputok ng mga kable ng kuryente.
Nasa Labing-anim na bahay ang nasunog; 13 ang tuluyang nasira , at 3 ang bahagyang nasira.
Karamihan sa mga bahay ay yari sa light materials habang mayroon ding mga bahay na yari sa kongkreto.
Wala namang nasawi o nasugatan dahil unang alarma lamang ang itinaas sa nangyaring sunog.
Kasalukuyang nasa barangay hall na ang 36 na pamilyang naapektuhan, ngunit nakapagbigay na ng tulong ang lokal na pamahalaan.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng BFP sa pinagmulan ng sunog at kabuuang pinsala.
Pinaalalahanan din nila ang mga residente ng Urdaneta na maging maingat sa sunog, lalo na ngayong papalapit na ang Pasko at Bagong Taon.