Prayoridad ngayon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Region 1 sa mga skills training na may mataas na demand sa labor market sa buong Rehiyon Uno.
Ayon kay Regional Director Joel M. Pilotin, ang mga in-demand na trabaho ay pangunahin na sa sektor ng konstruksiyon, tulad ng pagtutubero, welding, pagkakarpenteryo at pagmamason.
Layunin ng TESDA Region 1 na matugunan ang pangangailangan ng mga out-of-school youth sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga kasanayang may mataas na posibilidad na magamit sa lokal at internasyonal na merkado ng trabaho.
Sa ganitong paraan, inaasahan nilang makatutulong ang mga kabataan sa kanilang mga pamilya.
Sa Pangasinan, nag-aalok naman ang TESDA Region 1 ng mga skills training na may kaugnayan sa turismo, dahil sa dami ng mga tourist destination sa lalawigan.
Ipinagmamalaki rin ni Director Pilotin ang malaking bilang ng mga scholar na natulungan na nila sa kanilang mga programa, sa pakikipagtulungan ng mga kongresista at gobernador, lalo na sa Pangasinan.
Paanyaya naman nito sa publiko na sa mga nais magkaroon ng trabaho o magkaroon ng sapat na skills training ay marapat lamang na bumisita sa kanilang mga opisina upang agad silang matulungan para sa kapakanan ng kanilang buhay.