Dagupan City – Nagpatupad ang Lokal na Pamahalaan ng San Nicolas ng mga hakbang upang mapaganda ang imprastraktura ng kanilang mga lansangan para mabawasan ang anumang aksidenteng maaring mangyari para kaligtasan ng bawat motorista.
Isinagawa sa bayan ang pag-iinstall ng mga rumble strips, pedestrian lanes, yellow lanes, at yellow boxes sa mga lugar na madalas maganap ang mga aksidente sa tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang mga rumble strips ay nagbibigay ng babala sa mga driver sa pamamagitan ng tunog upang maiwasan ang paglihis ng daan at mga banggaan.
Ang mga pedestrian lanes naman ay nagbibigay ng mas ligtas na daanan para sa mga naglalakad.
Samantala, ang mga yellow lanes at yellow boxes ay tutulong sa maayos na daloy ng trapiko at maiiwasan ang ilegal na pagpaparada.
Ayon kay Mayor Alicia Primicias Enriquez na mahalaga ang hakbang na ito tungo sa paglikha ng mas ligtas na kapaligiran para sa ating mga kababayan.
Kaugnay nito, patuloy pa ring nagpapaalala sa lahat ng mga motorista na maging disiplinado sa kalsada at iwasan ang pagmamaneho nang lasing upang maiwasan ang anumang aksidente.
Bagamat patuloy ang pagsisikap ng LGU San Nicolas na gawing mas ligtas ang bayan, inihayag naman ng alkalde na ang tagumpay nito ay nakasalalay din sa pakikiisa at disiplina ng bawat mamamayan.
Nanawagan siya sa lahat na maging responsable sa paggamit ng kalsada upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat. (Oliver Dacumos)