DAGUPAN CITY- Binulabog ng pag-alingawngaw ng putok ng baril ang Brgy. Lubong sa bayan ng Umingan matapos pagbabarilin ang isang incumbent councilor sa nasabuing bayan.
Kinilala ang biktima na si Ponciano “Onyok” Onia, 59-anyos na siya ring National President ng Abono Party-List.
Base sa salaysay nina Edgardo Reyno at Mario Reyno, ang CVO ng naturang barangay, nakasakay ito sa kaniyang SUV habang papauwi sa Brgy. Leon kasama ang dalawa niyang empleyado nang ito ay pagbabarilin.
Inilarawan nila ang suspek na may kapayatan, naka bonet o may takip ang mukha, naka itim ng jacket at dala niya ang kanyang motorsiklo.
Anila na nasa gilid lamang siya ng kalsada na tila nakatambay lamang at hindi nila inakalang inaabangan na pala ang biktima.
Hindi pa man nakakarating ang sasakyan ng biktima sa mismong highway, agad na lamang itong hinarang at pinagbabaril ng suspek.
Pagkayari ng pamamaril ay nakita ng mga witness ang pagharurot o pagsibat ng suspek at sinubukan din nilang kunin ang atensyon nito, ngunit nakatakas pa rin.
Sa kasamaang palad, hindi nakaligtas si Onia sa pamamaril habang hindi naman nadamay ang kasamahan nito.
Patungkol naman sa CCTV sa lugar na pinangyarihan ng insidente, hindi na rin ito gumagana dahil nasira ng mga nakaraang bagyo.
Samatala inaalam pa rin ang motibo sa nangyaring pamamaril at patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan ng Umingan Municipal Police Station.