DAGUPAN CITY- Hindi umano sapat ang pagtataas ng sahod sa ilang rehiyon sa bansa upang tustusan ang mga pangangailangan ng pamilyang Pilipino sa bansa.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers, nagpapasalamat ang grupo sa pagtataas ng minimum wage sa labindalawang rehiyon sa bansa, ngunit napakalayo nito sa dapat na matanggap ng mga manggagawa.
Aniya, dapat ay eyes on the price pa rin ang mga Pilipino at hangarin ang legislative wage increase na 150 pesos pataas kung saan malayo ang nasabing pagtaas ng sahod at hindi ganoon karamdam para sa pamilya ng mga manggagawa.
Hindi umano natutugunan ng nasabing wage increase ang wage gap inequality na dulot ng kontraktwalisasyon.
Dagdag niya, hanggang ngayon ay bitbit pa rin ng Pilipinas ang isyu ukol sa Provincial at City wage rate.
Samantala, marami pang mga usapin ukol sa paggawa ang kailangan maresolba ng pamahalaan.
Patuloy din umanong tututukan ng grupo ang mga hinaing ng mga manggagawa at mga isyung kaakibat nito.