Dagupan City – Nanindigan ang Philippine Coast Guard na hindi basta-basta isusuko ng Pilipinas ang West Philippine Sea sa China.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Commodore Jay Tarriela – PCG spokesperson ng West Philippine Sea, mas pinapaigting umano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglaban sa karapatan ng Pilipinas partikular na ng mga Pilipino mangingisda sa karagatan ang ating karapatan.
Sa katunayan aniya, nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs, Philippine Coast Guard, Philipine Navy, Philippine Army at iba pa sa mga kaalyadong bansa gaya na lamang ng Japan, Estados Unidos, Australian Government, maging sa European Countries gaya na lamang ng Sweden upang mas lalong palakasin ang pwersang militar ng bansa.
Bukod dito, mas pinataas din ang budget ng PCG upang gawing moderno ang mga kagamitan ng mga ito.
Muli naman nitong ibinahagi na ang West Philippine Sea sa ilalim ng 200 nautical mile ng exclusive ecomic zone ay mananatiling pagmamay-ari ng bansa.
Kung saan sa pamamagitan sa batas sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay luluwang ang karapatan sa West Philippine Sea na siyang magbibigay din ng karapatan sa bansa upang linangin ang yaman ng dagat ng ating nasasakupang karagatan.