Dinaluhan ng 3500 estudyante ang programa ng Department of Social Welfare and Development na Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Ang mga kabataang ito ay mga nag-aaral sa kolehiyo mula sa syudad ng Urdaneta na tumanggap ng tig P2,000.
Dumalo sa aktibidad na ito sina 2nd district BM ng Cavite na si Ram Revilla Bautista, Pangasinan Gov. Ramon Guico III, ang kanyang may bahay na si Maan Tuazon-Guico, Vice Gov. Mark Lambino, Cong. Ramon Guico Jr. at ilang pang mga opisyales.
Ayon kay Ram Revilla Bautista, target nila ang mga kabataan dahil sila ang pinakamakikinabang dito.
Makakatulong ito lalo na sa kanilang pamilya dahil dumadaan ang ilan sa iba’t ibang hirap ng buhay.
Kanya ring nabanggit ang patungkol sa isa sa mga batas na inakda ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na “No Permit, No Exam”, na kung saan ay dating pinagbabawalan ang mga estudyante na kumuha ng pagsusulit kung hindi pa sila bayad o may balanse pa sa kanyang eskwelehan.
Ngayon ay pinagbabawalan na ito at hindi nila hahayang may mga estudyanteng hindi tutuloy sakanilang exam.
Dagdag pa niya ang patungkol naman sa mga Senior Citizens na kung saan ay inaanyayahan niya ang mga ito na magparehistro na sa Senior Citizens Office upang makuha ang ihahandog sakanila ng lokal na pamahalaan.
Ang mga edad 80, 85, 90, at 95 ay tatanggap ng tig P10,000 at P100,000 naman ang matatanggap ng mga centenarians o mga may edad 100.
Aniya na marami pang mga nakalinyang mga programa ng Senador na aasahan sa susunod pang mga buwan.
Hindi man nakadalo si Senator Revilla, sa nasabing aktibidad, nakasama pa rin siya sa programa sa pamamagitan ng virtual call.
Dito ay nagpa-abot siya ng mensahe para sa mga kabataang dumalo.
Binigyang-diin niya rito ang kahalagahan ng edukasyon lalo na ang magiging kabukasan nila sa oras na makapagtapos na sila ng pag-aaral.
Bilang ang Senador ay Chairman ng Committee of Public Works, aniya na marami pang proyekto ang nakalaan sa lalawigan ng Pangasinan lalo na ang problema sa baha.