Mga kabombo! Isa ka ba sa mga fan ng memorabilia mula sa sikat na comic book at TV series na The Walking Dead?
Baka matulad ka sa isang lalaking nakatanggap umano ng Guinness World Records?
Ito kasi ang nangyari sa isang lalaki sa Dammam, Saudi Arabia matapos na makuha ang record sa pagkakaroon ng pinakamalaking koleksiyon ng memorabilia mula sa sikat na comic book at TV series na The Walking Dead.
Ayon sa ulat, umabot sa 3,053 piraso ang The Walking Dead memorabilia’s ang nakolekta ni Rashid Al-Olayan, kung saan ginawa pa nitong mini-museum ang isang bahagi ng kanyang tahanan upang ipakita ang kanyang koleksiyon.
Kinabibilangan naman ito ng mga costume na ginamit sa mismong produksyon ng TV series na kaniya namang sinimulan noong taong 2015 gamit ang isang set ng action figures.
Naging fan si Al-Olayan ng The Walking Dead dahil sa mga relatable na karakter nito. Isa rin sa dahilan kaya niya naging paboritong palabas ito ay dahil sa mga unexpected twist and turns ng kuwento.
Ang ilan sa mga memorabilia sa kanyang koleksiyon ay may pirma ng mga aktor mula sa TV series. Patuloy din ang kanyang misyon na makumpleto ang lahat ng autograph ng mga ito kabilang na ang pirma ng manunulat at co-creator ng comic book series na si Robert Kirkman.