Maaaring magpatupad ng bagong regulasyon ang Sugar Regulatory Administration (SRA) ng pagpapataw ng mas mataas na bayarin sa mga negosyante ng “ibang asukal,” kabilang ang High Fructose Corn Syrup (HFCS) at iba pang kemikal na asukal tulad ng lactose, maltose, glucose, at fructose.

Ang bagong patakaran ay inaasahang magpapalakas sa kontrol sa pag-aangkat ng mga produktong ito upang matugunan ang mga isyung may kinalaman sa sektor ng asukal sa bansa.

Ayon kay SRA Administrator Pablo Luis Azcona, ang kasalukuyang proposal ay magpapataw ng P30 na bayad para sa bawat bag ng HFCS, at P10 naman para sa ibang uri ng asukal.

--Ads--

Ang draft ng order na ito ay inaasahang tatalakayin sa susunod na pagpupulong ng SRA board at maaaring mailabas ngayong Disyembre.

Ipinahayag ni Azcona na ang layunin ng bagong regulasyon ay hindi lamang mag-regulate, kundi upang mangalap ng tumpak na datos ukol sa dami at klase ng mga “ibang asukal” na pumapasok sa bansa.

Batay sa mga impormasyong hindi pa pormal, tinatayang umabot na sa 200,000 hanggang 300,000 metriko tonelada ang “ibang asukal” na nakapasok sa Pilipinas.