DAGUPAN CITY- Nararapat lamang ang pagkastigo ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo sa Department of Agriculture (DA) dahil sa patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng bigas sa likod ng mga ipinangakong pagbaba ng ahensya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo, spokesperson ng Bantay Bigas, hindi lapat ang mga ginagawa ng gobyerno sa konkretong sitwasyon ng bigas sa world market.
Aniya, lumalabas pa na tumaas pa lalo ng 9% ang pagtaas ng presyo nang ipatupad ang Executive Order no.62 o ang pagbaba ng taripa sa 15% mula sa 35%.
Kaya kung hindi rin ito ibabasura kasama ng Republic Act 11203 at World Trade Organization Agreement on Agriculture ay mananatiling mataas ang presyo ng bigas.
Gayundin umano sa Administrative Order no. 23 o ang pagtatanggal ng mga restriksyon sa pagpasok ng mga produktong agrikultura sa bansa sapagkat lalo pa tuumindi ang smuggling at cartel sa bansa.
Lumobo naman sa P12-billion ang forgone revenue sa loob lamang ng ilang buwan dahil sa mga ipinatupad na polisiya.
Saad pa ni Estavillo, hindi rin naman nagiging masaya ang mga magsasaka dahil sa patuloy na pambabarat sa kanilang palay.
Maliban kase sa mataas na cost of production, hanggang sa ngayon ay wala pang sabsidiya ang gobyerno para sa mga magsasaka lalo na’t malaki ang halagang napinsala sa mga taniman sa sunod-sunod na pagpasok ng bagyo sa bansa.
Giit ni Estavillo na dahil sa RA 11203, naging liberalized ang industriya ng agrikultura kaya tinanggal ang mandato ng NFA na gawin nito ang kanilang ‘social responsibility’.
Kaya dapat magkaroon ng price cap sa mga pangunahing pagkain sa merkado at sapat na sabsidiya para sa mga magsasaka upang matiyak ang seguridad sa pagkain ng mga Pilipino.
Hindi rin dapat umaasa sa world market dahil otomatikong itinataas nito ang presyo ng imported na bigas kapag nagtaas ang dolyar.
Gayunpaman, hindi pa rin aniya inaamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagkamali ito sa pagpapatupad ng naturang kautusan.