Nahaharap sa matinding hamon ang Land Transportation Office (LTO) sa Pangasinan sa pagpapanatili ng kaayusan sa mga lansangan ng lalawigan dahil sa matagal nang kakulangan ng tauhan.

Ayon kay Engr. Sandra Wilma A. Baagen, OIC ng Driver’s License Renewal Office ng LTO Urdaneta City, hindi sapat ang kanilang kasalukuyang plantilla positions upang masigurong may sapat na LTO enforcers na magpapatupad ng batas trapiko sa buong lalawigan.

Ang plantilla position ng LTO Pangasinan ay nananatiling pareho mula pa noong 1986-1987, na nagreresulta sa kakulangan ng tauhan para sa pagmonitor at pagsita sa mga paglabag sa batas trapiko.

--Ads--

Sa kasalukuyan, 12 LTO enforcers lamang ang naka-assign sa 44 na bayan at 4 na lungsod sa buong Pangasinan, gamit lamang ang dalawang patrol vehicle.

Dahil dito, nahihirapan ang LTO na mapanatili ang seguridad sa daan, lalo na sa gabi at madaling araw kung kailan madalas mangyari ang mga aksidente.

Bagamat kinikilala ang pagsisikap ng kapulisan, aminado si Baagen na limitado ang kakayahan ng LTO na magpatrolya sa lahat ng oras.