DAGUPAN CITY- Nakakahiya para sa ibang bansa at pag-iinsulto sa mga Pilipino ang mga naging pahayag ni Vice Pres. Sara Duterte partikular na sa di umano’y hired assassin nito para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Lisa Araneta-Marcos, at kay House Speaker Martin Rumualdez.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Mark Anthony Baliton, Political Analyst, napakahalaga bilang isang 2nd elected leader ang pagpapakita ng magandang ehemplo bilang isa sa namumuno ng bansa.

Aniya,hindi nababagay sa isang bise presidente maglabas ng naturang pahayag dahil nakasisira lamang ito sa kanilang binuong tiwala mula sa mga bumoto sa kanila.

--Ads--

Bagaman nagviral na ito at naging laman ng mga balita sa labas ng Pilipinas, magiging mahirap na rin humarap sa ibang bansa.

Ani Baliton, maaaring makaapekto ito sa relasyon ng Pilipinas sa mga kaalyadong bansa.

Kaya tama rin ang pagpalag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil hindi dapat ito pinapalagpas at mapatawan ng “impeachment” kung mapatunayan ang pagkakasala.

Pagpapakita naman ng hindi pantay na pagpapatupad ng batas sa bansa kung papalampasin lamang ito at maaaring magdulot pa ng kaguluhan sa pagitan ng mga kaniya-kaniyang taga-suporta.

Maliban pa riyan, magiging kawawa lamang ang mga susunod pang henerasyon sa Pilipinas dahil paulit-ulit lamang itong mangyayari.

Samantala, saad ni Prof. Baliton na ang pagputok ng galit ni Duterte ay maaaring dahil sa naging kasanayan na nito sa pamamahala, katulad na lamang sa sinuntok niyang sheriff ng korte noong 2011.

Kaugnay nito, mahalagang mabigyan ito ng bise presidente ng magandang development upang maging ehemplo siya taumbayan.

Maganda rin kung aaminin na lamang nito ang mga pagkakamali upang hindi na labis pang makaapekto sa bansa.

At kung wala naman tinatago sa issue ng confidential funds, mag-comply na lamang ang kanilang opisina upang hindi na tumagal pa ang proseso.

Paalala naman ni Baliton na sa susunod na halalan ay iboto ang mga nararapat upang hindi na maulit muli ang nangyayari.