Dagupan City – Tinawag ng Convenor ng Kontra Abuso ng Kongreso na “selective investigation” ang ginagawang hearing ng “Quad Committee”.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Ariel Inton, Convenor ng Kontra Abuso ng Kongreso, malinaw kasi aniya na mistulang may pinapaburan ang Quad Comm gayong bakit OVP lamang ang pina-iimbistigahang budget.
Aniya, nakasulat sa saligang batas na maari silang mag-imbistiga hagga’t mayroon silang in-aid of legislation.
Ngunit sa nangyayari kasi aniya, kapag hindi nagustuhan ng isang mambabatas o kongreso ang naging sagot ng tinutuligsa o ipinatawag, hindi nila alam kung ano ang isusunod na itatanong kaya’t ibinabato na lamang ang cite in contempt.
Binigyang diin ni Inton na dapat sa Korte Suprema na ito ilapit at hindi na idinadaan pa sa hearing ng Quad Comm.
Isa naman sa nakikita nitong dahilan kung bakit ginugusto ng mambabatas na isapubliko ang hearing ay dahil sa kanilang “exposure” ngunit hindi iniisip ang ginagawang pang-aabuso sa humaharap sa pagdinig.