Nagbabadya ang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Sa pagtaya ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau, ang presyo ng gasolina ay tataas ng P0.70 hanggang P0.90 kada litro.

Nasa P0.70 hanggang P1.00 kada litro naman ang posibleng price hike sa diesel, at P0.60 hanggang P0.70 kada litro sa kerosene.

--Ads--

Ang pagtaya ay base sa international trading sa nakalipas na apat na araw.

Ayon kay DOE-OIMB Assistant Director Rodela Romero, ang inaasahang pagtaas sa presyo ng petrolyo ay dahil sa umiigting na geopolitical situation sa Russia.

Nakapag-aambag din sa pagtaas sa presyo ng petrolyo ang balita na ang “oil refinery business ng Russia ay nanganganib sa plant closure sa gitna ng malaking pagkalugi, mas mababang produksiyon” at ang “oil production outage sa Norway.”

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.