Dagupan City – Ipinaabot ng pamilya ni Mary Jane Veloso ang tuwa at pasasalamat sa lahat ng tumulong upang mapauwi ito sa Pilipinas.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa pamilya nito, sinabi nilang hindi maisalarawan kung gaano sila kasaya gayong makakabalik na si Maryhean sa Pilipinas.
Ayon sa ina nitong si Celia Veloso, huling nakausap ng mga ito ang anak nito lamang lunes, upang pag-usapan sana ang kanilang pagbiyahe sa Indonesia para bisitahin ang anak ngayong nalalapit na kapaskuhan.
Aniya, humihiling pa ito ng pabor sa anak na ilipat na lamang ang pagbisita sa enero 2025 upang maisakto sana sa araw mismo ng kaniyang kaarawan.
Sa araw na iyun aniya, wala silang kaalam-alam na makakatanggap ang mga ito ng isang napakagandang balita at mababaliktad pala ang pangyayari, kung saan mismong si Maryjean na pala ang uuwi sa Pilipinas.
Pananabik na pagbabahagi ng ina, ilulutuan niya ito agad ng kaniyang paboritong adobo.
Ayon naman sa ama nitong si Cesar Veloso, napaka-agang pamasko ang natanggap nilang balita. Pagsasalarawan pa nito, ni hindi na aniya siya makatulog sa kakaantay at pananabik na muling makapiling ang anak.
Inilarawan naman niya si Maryjean bilang isang mabuting anak, malambing, at maalalahanin sa pamilya.
Sa kabila nito, hindi naman aniya niya matanggap na nagdusa ang anak sa loob ng matagal na panahon sa kasalang hindi naman niya ginawa.
Samantala, ayon naman sa bunsong anak nitong si Mark Darren Candelaria, sa loob ng 14 na taong pangungulila sa ina, kung saan nasa 1 taon at 4 na huwan pa lamang ito nang mangyari ang pagkaka-aresto sa kaniyang ina.
Sinabi ni Mark Darren na sabik na itong ikuwento sa kaniyang ina ang kaniyang mga karanasan sa paaralan at masasayang kaganapan sa kaniyang buhay.
Ngayong nasa ika-9 na baitang na ito, umaasa siyang hindi na muling aalis pa ang kaniyang ina sa kanilang piling.