Dagupan City – Isang espesyal na seremonya ang ginanap sa Manaoag Sports Complex upang ipagdiwang ang pagtatapos ng 311 pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa bayan ng Manaoag.
Dinaluhan ang okasyon ng mahahalagang panauhin, kabilang na si Manaoag Mayor Jeremy Agerico B. Rosario, na nagbigay ng isang nakaka-inspire na talumpati para sa mga nagtapos.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtitiyaga at determinasyon sa pagkamit ng mga pangarap, at hinikayat ang mga pamilya na huwag sumuko sa mga pagsubok na kanilang haharapin.
Sa loob ng ilang taon, nakatanggap ng suporta ang 311 pamilya mula sa 4Ps. Ang pinansiyal na tulong na kanilang natanggap ay nakatulong sa pagtugon sa kanilang pangunahing pangangailangan, pagpapabuti ng kanilang kalidad ng buhay, at pagpapatuloy ng edukasyon ng kanilang mga anak.
Nakapag-access din sila sa mga serbisyong pangkalusugan at nakilahok sa mga programa na nagpapalakas ng kanilang kakayahan.
Nagpahayag naman ng kanyang pagbati at pagkilala sa mga nagtapos si 4Ps Provincial Link Evafe L. Terte kung saan ipinunto niya ang positibong epekto ng programa sa pagpapalakas ng mga pamilya at komunidad sa pag-ahon sa kahirapan.
Ang Exit Program na ito ay nagmamarka ng isang mahalagang hakbang para sa mga pamilyang ito, na nagpapakita ng tagumpay ng 4Ps sa pagtulong sa mga Pilipino na makalabas sa kahirapan at magkaroon ng mas magandang kinabukasan.
Samantala, isa itong patunay na sa pamamagitan ng determinasyon at suporta, posible ang pagbabago. (Oliver Dacumos)