DAGUPAN CITTY- Hindi kalakihan ang natatanggap na report ng Pangasinan Association of Local Disaster Risk Reduction, sa pakikipagtulungan sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), kaugnay sa iniwang pinsala ng bagyong Pepito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Josephine Robillos, officer sa naturang opisina, bago pa ang paglapit ng bagyo ay tiniyak nila na buong handa ang kanilang nasasakupan sa maaaring iparanas nito.

Aniya, nakapagbigay na rin sila ng ayuda sa mga naapektuhang pamilya at sa ngayon ay may mga magsasaka nang humihingi ng tulong upang makabangon mula sa iniwang pinsala ng Bagyong ‘Pepito’ sa kanilang mga pananim.

--Ads--

Ikinatutuwa naman ni Robillos ang pagiging handa ng mga residente dahil sa pakikinig at pagsunod sa mga abiso ng mga kinauukulan.

Sa pagbabahagi niya, ikinamamangha niya rin ang pagiging ‘resilient’ ng mga residente sa kanilang bayan.

Dagdag pa niya, bagaman 4 na bagyo ang dumaan sa loob ng 10 araw, nagpatuloy sa pakikipaglaban ang mga residente at ang kanilang mga responders kahit pa man may banta ng “typhoon fatigue”.