Halos nasa 16 nang bagyo ang pumasok at naranasan sa bansa kung saan 6 dito ang ideneklarang Supertyphoon na siyang nakasalanta ng labis sa ilan sa mga lugar, ari-arian, agrikultura at maging indibidwal.
Lubos na naapektuhan ang parte ng Luzon kasama ang Pangasinan dahil nasa 6 na magkakasunod na bagyo ang dumaan dito.
Ayon kay Engr. Jose Estrada Jr. ang Chief Meteorologist ng PAGASA Dagupan City na hindi pa natatapos dito ang bagyong papasok sa ating bansa dahil nasa isa o dalawa pa ang inaasahan sa pagpasok ng Disyembre bago sumapit ang taong 2025.
Aniya na sa ngayon ay wala pa naman silang namomonitor na sama ng panahon sa loob at labas ng ating Philippine Area of Responsibility batay sa kanilang 3 monitoring domain ngunit nasa 4 na weather system ang mayroon ngayon sa ating bansa tulad ng Localized Thunders Storm, Shearline, Easterlies at Hanging Amihan.
Dahil dito asahan parin ang pabago-bagong panahon dulot ng mga ito.
Sa kabilang banda, muling mararamdaman ang Northeast Monsoon o hanging amihan ngayon dahil naideklara na muli ang pagsisimula nito matapos maharang dahil sa mga bagyong pumasok sa bansa.
Kung matatandaan na noong buwan ng Octobre ay nagtapos na ang Hanging Habagat na pinalitan ng Hanging Amihan ngunit nahinto dahil sa weather disturbance na dala ng mga bagyo.
Mararanasan na muli ang pagbaba ng temperatura na nagpapahiwatig ng Holiday Season o nalalapit na pasko.