DAGUPAN CITY- Umaabot na sa P10-billion ang halaga ng pinsala na naitala sa agrikultura ng Pilipinas dahil sa sunod-sunod na kalamidad, batay sa tala ng Department of Agriculture (DA).
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, ito ay kasunod lamang sa nakaraang pamiminsala ng El nino sa bansa kung saan umabot naman sa P9.6 billion ang halaga ng pinsala.
Aniya, labis naghinayang ang mga magsasaka sa napinsalang pananim at umaasang may maisasalba pa sa mga lumulutang na palay mula sa binahang taniman.
Bagaman lumalala na talaga ang pabago-bagong klima sa buong mundo subalit, giit ni Estavillo na pinapalala lamang ng kaliwa’t kanan na pagmimina sa mga kabundukan, quarrying, at land use conversion sa Pilipinas ang epekto nito sa bansa.
At hanggang sa ngayon ay hindi naman inaamin ng gobyerno na epekto ito ng kanilang pinapatupad na polisiya.
Kaya lalong nakakabahala ang epekto nito sa food security ng bansa kung saan tumataas lalo ang presyo ng mga bilihin, katulad ng bigas na hindi naman nakikita ang sinasabing P42 kada kilo.
Subalit, tanging importasyon lamang ang nagiging solusyon ng gobyerno para tugunan ang krisis sa pagkain habang patuloy nagmamakaawa ang mga magsasakang mabili sa mataas na presyo ang kanilang palay.
Nananawagan naman si Estavillo na maibigay na ang kagyat na P25,000 subsidy para sa mga magsasaka upang makatulong sa kanilang muling pagbangon, partikular na sa pagkakautang.
Gayunpaman, ikinalulungkot na lamang niya na tanging relief pack at mga binhi mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ang ipinapamahagi ng gobyerno sa mga apektado.
Giit pa niya na dapat handa ang gobyerno sa long-term solution subalit, maging evacuation centers at food packs para sa immediate victims ay hindi napaghahandaan. At ginagamit na lamang ng gobyerno ang ‘resiliency’ o bayanihan ng mga Pilipino.
Samantala, sang-ayon si Estavillo na hindi na dapat gawin magarbo ang pagdiwang ng kapaskuhan, partikular na sa mga ahensya ng gobyerno, at gawin simple lamang ito upang makalikom ng pera para makatulong sa mga nasalanta.