DAGUPAN CITY – Nakitang palutang-lutang ang katawan ng lalaking wala ng buhay sa ilog sa ilalim ng Tambac Bridge, sa brgy. Tambac, dito sa syudad ng Dagupan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pltcol. Brendon Palisoc – COP, Dagupan City PNP, natagpuan ang biktima ng mga magkakaibigang naglalakad pauwi mula sa kanilang aktibidad na Brgy. Clean-Up Drive.
Base sa salaysay ng mga ito, nakita nila ang biktima na nakasuot ng itim na shorts at wala nang suot pang itaas.
Agad namang rumesponde ang kapulisan kasama ang SWAT, CDRRMO, City Health, at ang mga opisyales sa nasabing barangay.
Sa isinagawa namang imbestigasyon, nasa 20-25 anyos ang biktima.
Kinumpirma naman ni Dr. Samuel Adams Manaoat, na siyang Dagupan City Health Medical Officer III na nasawi ang biktima dahil sa pagkalunod, kaugnay din nito ang isinagawang imbestigasyon ng mga kapulisan na kung saan wala umano silang nakitang galos o sugat sa katawan ng biktima, at hindi rin ito nakitaan ng foul play.
Batay din sa kanilang obserbasyon ay nasa 2-3 araw nang palutang-lutang ang katawan ng biktima.
Sa kasalukuyan ay nasa morge ang katawan ng biktima sa Brgy. Pantal dito sa syudad ng Dagupan.