Dagupan City – Tinalakay ng ilang ahensya ang Road Safety Plan para sa pagpababa ng mga kaso ng aksidente sa kalsada sa Rehiyon Uno sa ginanap na World Day of Remembrance for Road Traffic Victims sa lungsod ng Urdaneta.
Pinangunahan ito ng Department of Health Region 1 (DOH R1) sa pamumuno ni Regional Director Dr. Paula Paz Sydiongco na dinaluhan nina PCol. Rollyfer J. Capoquian ng Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) at iba pa.
Layunin ng pagpupulong na mapaigting ang pakikipagtulungan ng mga ahensya upang mabigyan ng agarang solusyon ang lumalalang problema ng mga aksidente sa kalsada sa rehiyon.
Ayon sa datos ng DOH noong 2023, umabot sa 3,153 ang mga kaso ng Road Traffic Injury (RTI) sa buong Rehiyon Uno: 203 sa Ilocos Norte, 395 sa Ilocos Sur, 766 sa La Union, at 1,789 sa Pangasinan.
Batay naman sa tala ng Pangasinan PPO mula Enero 1 hanggang Nobyembre 14, 2024 ay nasa kabuuang 1571 bumaba sa 86 insidente o nasa 5% kumpara sa parehong panahon noong 2023 na nasa 1,657 kung saan ang pangunahing dahilan ng mga aksidenteng ito ay ang reckless imprudence resulting to physical injury dahil sa kapabayaan ng mga motorista at paglabag sa mga batas trapiko.
Sa tala naman ng Urdaneta City Health Office, ay nasa kabuuang 860 insidente ang mayroon ngayong taon na nasa Top 7 na sanhi ng morbidity sa lungsod habang naging Top 9 na sanhi ng pagkasawi ng ilang indibidwal noong 2023 dahil sa 10 kaso ng nasawi.
Ayon kay Dr. Paula Paz Sydiongco, Regional Director ng Department of Health Region 1, na ang paggunita sa World Day of Remembrance for Road Traffic Victims ay nakaangkla sa 8-point agenda ni Secretary Ted Herbosa, na nagbibigay-diin sa pagpapaigting ng pagtutok sa kaligtasan sa kalsada.
Bilang bahagi ng kanilang mga plano, ang Department of Health Region 1 ay naghahanda para sa pagbubukas ng isang trauma center sa Mariano Marcos Memorial Hospital sa Ilocos Sur dahil ang trauma center ay magbibigay ng agarang tulong medikal sa mga pasyenteng nasasangkot sa mga aksidente.
Ikinatuwa naman ni Urdaneta City Mayor Julio “Rammy” Parayno III ang pagbisita ng mga iba’t ibang ahensya sa Rehiyon sa kanilang lungsod dahil nagpapakita aniya ito ng malalim na suporta sa pagpapabuti ng kalagayan ng kalsada at pag-iwas sa mga aksidente.
Nakita nito ang mga hakbang at solusyon na nakalatag sa programa upang matugunan ang suliranin ng kaligtasan sa kalsada.
Naniniwala naman ang alklade na mahalaga ang kolaborasyon ng mga Lokal na Pamahalaan (LGU) at mga ahensya ng gobyerno upang mas maging epektibo ang mga programa sa kaligtasan sa kalsada sapagkat ang pagtutulungan ay magbibigay-daan sa malinaw na pag-unawa sa mga tungkulin ng bawat isa sa pagtaguyod ng ligtas at maayos na kalsada.
Samantala, Ayon naman kay PCol. Rollyfer J. Capoquian, Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office, ang pagpababa ng bilang ng mga aksidente sa kalsada sa lalawigan ay isang malaking hamon dahil sa lawak ng sakop nito kung saan ang lawak ng sakop nito ay nagreresulta sa mataas na bilang ng mga vehicular incident sa lalawigan.
Naniniwala naman si PCol. Capoquian na ang aktibong pagpapatupad ng batas at ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ay mahalaga upang unti-unting mabawasan ang problemang ito. (Oliver Dacumos)