DAGUPAN CITY- Nanlumo ang mga magsasaka sa bayan ng Bongabon, sa lalawigan ng Nueva Ecija dahil sa malaking pinsalang iniwan ng Bagyong Pepito sa kanilang pananim.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mark Paul Rubio, magsasaka sa nasabing lugar, nasira ang mga tanim ng mga magsasaka, partikular na ang kanilang mga pangunahing tanim na sibuyas, dahil sa naranasang malakas na hangin at pag-ulan.

Aniya, nagmistulang ilog ang mga bukirin sa iba’t ibang lugar sa Nueva Ecija kaya nalunod ang mga pananim.

--Ads--

Umaasa naman sila na marecover pa ang mga maliliit na tanim mula sa direct seeding ng sibuyas. Subalit, wala nang pag-asang maisalba ang mga tanim na kamatis.

Hindi naman nila nagawang anihin ang mga panananim bago ang pagdaan ng bagyo dahil nasa pamumulaklak pa lamang ito.

Mas malala umano ito kumpara sa iniwang epekto ng nagdaang mga bagyo dahil umaabot sa P150,000 ang halagang ikinalugi ng mga magsasaka.

Aniya, hindi pa sila nakakabawi sa nakaraang pinsala mula sa nagdaang bagyo at dumagdag pa ang iniwan ng Bagyong Pepito.

Balak naman nilang magtanim muna ng mga gulay upang kahit papaano ay makabawi mula sa pagkalugi.

Samantala, kinausap na si Rubio ng Local Government Unit (LGU) upang silipin ang kaniyang panananim.

Ngunit, hanggang sa ngayon ay wala pang nababanggit kaugnay sa tulong na ipapaabot para sa kanila.