Dagupan City – Agad na kumilos ang lokal na pamahalaan ng Manaoag upang tugunan ang lumalalang problema sa pagdami ng langaw sa bayan.
Pinangunahan ni Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” B. Rosario ang isang mahalagang pulong kasama ang lahat ng poultry farm owners upang matalakay ang isyu at maghanap ng agarang solusyon.
Dumalo rin ang Municipal Sanitary Office at Municipal Environment and Natural Resources Office, na nagbigay ng mga obserbasyon, rekomendasyon, at paliwanag sa mga alituntunin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) hinggil sa operasyon ng mga poultry farm.
Isa sa mga pangunahing napagkasunduan ay ang paglalabas ni Mayor Rosario ng isang Executive Order na mag-uutos ng regular na inspeksyon sa mga poultry farm, sa pakikipagtulungan ng barangay council.
Layunin nitong matiyak ang pagsunod ng mga farm owners sa mga itinakdang alituntunin at mapanatili ang kalinisan ng mga establisimyento.
Inatasan din ang mga farm owners na magpaalam sa kanilang barangay bago ang harvest upang matiyak ang maayos na pagtatapon ng mga by-products at maiwasan ang pagdami ng langaw.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng tamang paggamit ng pesticides at mahusay na solid waste management.
Upang mapigilan ang paglala ng problema, isang moratorium ang ipinatupad sa pagtatayo ng mga bagong poultry farm.
Humabol naman sa pulong ang mga kinatawan mula sa DENR-CENRO Dagupan upang masusing pag-aralan ang sitwasyon at magbigay ng karagdagang rekomendasyon sa lokal na pamahalaan patungkol sa problemang ito.
Samantala, kasabay ng pagtugon sa problema ng langaw, ipinagmamalaki ng bayan ng Manaoag ang pagtanggap ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance.
Isa ang Manaoag sa 28 bayan sa Pangasinan at 577 bayan sa kabuuang nagawaran sa bansa ng nasabing selyo ng Department of Interior and Local Government.
Patunay ito ng dedikasyon ng lokal na pamahalaan ng Manaoag sa paghahatid ng mahusay, transparent, at de-kalidad na serbisyo sa mga mamamayan. (Oliver Dacumos)