Dagupan City – Nagkaroon ng produktibong pagpupulong sina Mayor Alicia Primicias Enriquez at ni Mr. Alfredo C. Reyes, project director ng San Miguel Power Corporation, upang talakayin ang ipinanukalang 800 MW San Roque Lower East Storage Pump-Storage Project at ang San Roque Optimization Project (Pump-Back System) na isasagawa sa bayan ng San Nicolas.
Inaasahang magbibigay ang proyekto ng malaking tulong sa kita ng munisipyo at magbubukas ng maraming oportunidad sa trabaho para sa mga residente sa bayan.
Kapansin-pansin ang positibong pag-asa sa pagpupulong, habang iniisip ang magandang epekto ng proyekto sa kinabukasan ng bayan.
Kasalukuyang pinoproseso ng San Roque Hydropower Inc. (SHI), isang subsidiary ng San Miguel Global Power (SMGP), ang pagkuha ng Environmental Compliance Certificate (ECC) at Special Land Use Permit (SLUP).
Naging mahalaga ang pagpupulong upang mapabilis ang proseso at matiyak na nasa tamang landas ito.
Dumalo sa pagpupulong sina Vice Mayor Alvin Bravo, ilang mga konsehal , at mga opisyal ng barangay na nagpapakita ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan upang mapaunlad ang San Nicolas.
Hindi lamang mga posibilidad ang tinalakay sa pagpupulong, kundi aktibong pinagplanuhan ang isang mas maliwanag at maunlad na kinabukasan para sa bayan ng San Nicolas.