DAGUPAN CITY- Suspendido muna ang operasyon ng isang Poultry farm sa Barangay Babasit, sa bayan ng Manaoag dahil sa dami at kapal ng langaw na siyang nakakaapekto na sa mga kalapit residente.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jeremy “Doc Ming” Rosario, Alkalde sa nasabing bayan, kailangan muna nilang maglabas ng executive order upang matiyak ng naturang pasilidad na masunod nila ang mitigating measures bago muling magbalik operasyon.
Aniya, kanilang susuriin mabuti ang mga dokumento ng operator ng naturang farm upang masiguro na nagagampanan nito ang kaniyang tungkulin.
Dahil dito ay nagpatawag na rin sila ng pagpupulong sa mga Poultry operators sa kanilang bayan upang maaksyunan agad ang problema at agad rin itong maiwasan sa pagdami.
Kabilang sa kanilang napag-usapan ang pagkakaroon ng mas matibay na monitoring sa mga poultry farms kung saan magiging regular na pag-ikot sa mga ito partikular na sa tuwing tag-ulan.
Kaugnay nito, maaari kase aniyang naging epekto sa pagdami ng mga langaw ang pabago-bagong klima.
Dapat naman na mapuksa muna ang mga langaw bago kuhanin ang mga dumi ng mga manok upang hindi na ito makatakas pa.
Magkakaroon din ng go signal mula sa Barangay Council kung maaari na silang mag-load ng panibagong manok.
Sinabi naman ng alkalde na katuwang nila ang sanitation officer, Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Business Permits and Licensing Office (BPLO), at mga kapulisan sa pagtitiyak ng kalinisan sa mga poultry farms.