Dagupan City – Naitala ang landslide sa bayan ng San Nicolas dulot ng bagyong Nika.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Freddie Evangelista, Civil Defense Officer I ng Office of the Civil Defense Region I, naitala ang landslide na ito sa bayan partikular na sa barangay Malico.

Bukod pa rito, may mga ilan pa silang minomonitor na mga kakalsadahan sa rehiyon uno, na hindi na rin madaanan.

--Ads--

Umabot na rin sa 31 pamilya ang naapektuhan ng hagupit ng bagyo, kung kaya’t patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga ito upang mabigyan ng kinakailangan tulong.

Sa kasalukuyan, wala pang naitatalang kaswalidad sa rehiyon, dahil na rin aniya sa epektibong pagbabahagi ng impormasyon at unang paalala sa publiko hinggil sa magiging epekto at hagupit ng bagyo.

Bagama’t nakikita naman na aniya ang araw, nakataas pa rin ang red alert satus sa rehiyon upang manatili ang pagiging alerto ng bawa’t isa.

Paalala naman nito, ugaliing maging maghanda, mag-ingat at sumunod sa mga kinauukulan kung kinakailangan ng sumailalim sa pre-emptive evacuation.