BOMBO DAGUPAN – Pirmado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Corporate Recovery And Tax Incentives For Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) Act sa Malacañang.

Ito ay naglalayong matupad ang hangarin ng gobyerno na gawing pangunahing investment hub ang Pilipinas na lilikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino

Layunin ng batas na ang tax incentives regime ng bansa ay mas maging globally competitive, investment-friendly, predictable and accountable, at naaayon sa 8-Point Socioeconomic Agenda ng administrasyon.

--Ads--

Sa ilalim ng nasabing batas ay mas magandang incentive package ang naghihintay sa mga tinaguriang high quality investments, kabilang na rito ang maximum duration ng tax incentives na aabot sa 17 hanggang 27 taon mula sa dating 10 taon, pagbabawas ng corporate income tax ng 20 porsiyento, 100% na karagdagang bawas sa gastusin sa power expenses ng mga negosyo at korporasyon habang magbibigay din ng 50% na dagdag bawas para sa muling pamumuhunan o reinvestment para sa mga nasa industriya ng turismo at iba pa.

Ayon sa pangulo, ito ay pagpapakita ng commitment ng Pilipinas para lalo pang palakasin ang kalakalan patungo sa mas matatag na economic growth.

Nagpasalamat naman ang punong ehekutibo sa mga mambabatas na nagtrabaho at nagpuyat para maipasa ang nasabing batas.