Dagupan City – Patuloy paring pinag-uusapan sa senado ang patungkol sa nais ng ilan na maipatupad ang Mandatory Reserve Officer Training Corps (ROTC).
Naglalayon kasi itong maisulong na gawing mandatory ang nasabing training sa lahat ng mag-aaral sa bansa.
Matatandaan na may naipasa ng batas noong 2001 na tinatawag na Republic Act 9163 o ang National Service Training Program (NSTP) Act na nagbibigay ng pagpipilian sa mga mag-aaral na sumali sa ROTC, Civic Welfare Training Service (CWTS), o Literacy Training Service (LTS) na depende sa kanilang kakayahan.
Gayunpaman, may mga grupo rin na tutol sa paggawa ng ROTC bilang mandatory dahil aniya sa magiging masamang epekto nito sa mga mag-aaral.
Samantala, bukod sa mga tutol ay may mga pabor naman nito dahil sa paglinang ng kaalaman sa militar at pagiging disiplinado ng mga susubok dito.
Ayon kay Ltc. Romeo Abuan, Director at Administrator ng ROTC sa 104th Community Defense Center na sakop ang Western Pangasinan at nakabase sa Camp Andres Malong sa bayan ng Binmaley na maganda ang isinusulong ng pamahalaan na gawing mandatory ang ROTC dahil dito nahahasa ang disiplina ng mga magaaral, pagkamakabayan at pagkamakabansa.
Aniya na sa ngayon ay mayroon silang 8 na State, Universities and Colleges na hinahawakan sa parte ng wester Pangasinan kung saan mayroon silang 1871 na mga mag-aaral na nag-uundergo sa nasabing training. (Oliver Dacumos)