BOMBO DAGUPAN – Naniniwala ang isang political analyst na makakatulong sa paggawa ang malakas na maritime policy ng gobyerno ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Archipelagic Sea Lanes Law at Philippine Maritime Zones Act kung saan ay pinagtitibay ng dalawang bagong batas na ito ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst at Senior Research Fellow ng Ateneo Policy Center, kailangan ng bansa ang dalawang batas upang matiyak na makapangisda ng malaya sa ating katubigan.

Ngunit hindi aniya ito agad na mangyayari dahil ang dalawang batas na ito ay paunang hakbang pa lamang sa pagtatatag ng maritime policy.

--Ads--

Hindi rin ibig sabihin na kahit may naipasa ng batas ay basta basta aatras ang China kaya marapat na palakasin ang kakayahan ng Philippine Navy at Philippine Coastguard na ipagtanggol ang ating teritoryo.

Sa ilalim ng Archipelagic Sea Lanes Law, lahat ng vessels maging ang mga dayuhang vessels na dumadaan sa karagatan na sakop ng bansa ay kasama sa mga imomonitor ng Philippine Coastguard.

Dagdag pa ni Yusingco na ginawa ang batas dahil naniniwala ang mga maritime policy makers na ito para sa ikabubuti ng mga Pilipino at hindi naman sinasadya para mapikon ang China o magdulot ng tensyon sa ibang bansa.