Dagupan City – Tinututukan ng lokal na pamahalaan ng Asingan ang patuloy na pagdami ng mga namamalimos sa bayan, lalo na ngayong papalapit na ang kapaskuhan.

Ikinabahala ng mga opisyal ang posibilidad na ilan sa mga ito ay sangkot sa modus operandi.

Bilang tugon, nagsagawa na ng kampanya ang kapulisan sa pamamagitan ng paglalagay ng mga tarpulin sa palengke, public plaza, at sa ginagawang kalsada malapit sa Asingan-Sta. Maria Bridge.

--Ads--

Nilalaman ng mga tarpulin ang Anti-Mendicancy Law, na nagbabawal sa pamamalimos lalo na kung may kakayahang magtrabaho ang indibidwal, at ang paggamit ng mga bata sa pamamalimos.

Ayon sa ulat ng kapulisan, apat na indibidwal na ang nasita dahil sa paglabag sa batas na ito.

Marami pa ring reklamo ang natatanggap ng mga opisyales lalo na sa mga residente sa parte ng palengke hinggil sa mga namamalimos na minsan ay nananakit pa ng mga nagtitinda at mamimili kung hindi sila mabigyan habang napag-alaman naman ng mga opisyal na ang mga grupo ng namamalimos ay tila organisado, dahil sakay sila ng inarkilang sasakyan papunta at pabalik sa palengke.

Samantala, nanawagan naman ang mga otoridad sa publiko na maging mapagmatyag at iulat sa mga kinauukulan ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa pamamalimos. (Oliver Dacumos)