DAGUPAN CITY- Nakahanda ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa bayan ng Agno sa posibleng epekto ng Bagyong Marce matapos idelarang nasa ilalim na ng Signal no. 2 ang ilang bayan sa northwestern Pangasinan.

Ayon kay Shirley Mercado Nipaz, Disaster Risk Reduction and Management Officer ng tanggapan, nakikipag-ugnayan sila sa DOST-PAGASA at Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office(PDRRMO) upang bantayan ang lagay ng bagyo.

Ibinabahagi naman nila sa kanilang nasasakupan ang mga impormasyon upang maabisuhan at agad din mapaghandaan ang sitwasyon.

--Ads--

Maliban naman sa kanilang mga personnel, tinitiyak ng kanilang tanggapan na nakahanda ang kanilang response equipment lalo na sa oras ng pangangailangan.

Sa kasalukuyan ay mainit at mahinang paghangin pa ang nararanasan ng bayan at nanatili pa ring kalmado ang mga baybayin sa kanilang lugar.

Samantala, may pitong barangay naman ang kanilang tinutukan sa tuwing may sama ng panahon dahil ito ay mga mababang lugar na madaling bahain.

Bukod dito ay kanila ring tinututukan ang water level sa balingcuguing river sa bayan ng Agno.